Lindol,
pagsabog ng bulkan, tsunami, giyera, terrorist attack —hindi na yata
nauubusan ng trahedya ang Pilipinas. Sa katunayan, habang isinusulat
ko ang talatang ito ay kalalabas lamang ng balita tungkol sa tren
galing Bicol na nadiskaril at sumadsad sa isang bangin sa probinsiya
ng Quezon. Labintatlo ang kumpirmadong patay at 160 ang nasugatan
sa 400 na pasahero. Naganap ang lahat sa ganap na 2:30 ng umaga,
habang tulog ang marami. Ayon sa mga pasaherong na-interview, may
narinig daw silang malakas na mga kalabog, namatay ang ilaw, at
gumulong-gulong ang tren pababa. Sa dilim ay maririnig ang mga
iyakan at hiyawan. Sila-sila ring mga pasahero ang nagtulungan dahil
umaga na nang dumating ang saklolo.
Pagkarinig ko sa mga kuwentong ito ay
muling nag-flashback ang karanasan ko sa Baguio City nang tumama
ang intensity 8 killer earthquake nuong 1990. Naisip kong isalaysay
ang mga pangyayari, hindi upang takutin kayo kundi upang tulungan
kayong maging handa kung dumating man ang lindol o anumang trahedya.
Mas nagiging
kahindik-hindik ang isang bagay na hindi natin alam. Subalit kung sa
pag-iisip pa lamang ng mga posibleng mangyaring trahedya ay
mangibabaw na ang takot, baka ma-paralyze lang tayo. Hindi na tayo
makakagalaw at magugulo ang normal na takbo ng ating pamumuhay at
trabaho. Kung magkaganoon, kahit na wala pang trahedyang dumarating
ay tumba na tayo. Mas maigi na mabatid natin kung ano ba talaga ang
ating kinatatakutan. Ang pagsasaliksik ng impormasyon ay paraan
upang ma-intellectualize natin ang ating pagkatakot at makagawa tayo
ng karapat-dapat na paghahanda. Sa puntong ito ay masasabi nating
nakakatulong din ang pagkaramdam ng takot (kaysa maging walang paki-alam),
huwag lang masobrahan.
Pasado alas-kuwatro ng hapon noong July
16, 1990 nang tumama ang lindol. Parang kinukulog na kahon ng
posporo ang apartment ng tinutuluyan ko. Kasama ko ang aking
kaibigan at kami ay nagyakapan. Ang tanging lumalabas sa aming bibig
ay “Lord, help us! Lord, help us!” Nagbagsakan ang mga pinggan at
iba pang mga gamit mula sa taas ng kabinet, at pumutok ang mga
salamin ng bintana. Habang tumatakbo kami palabas, naramdaman ko ang
mga bubog na tumatalsik sa aking katawan. Sa kalye ay nagtipun-tipon
ang mga tao -- takot na takot, umiiyak, at nagmamadaling umuwi sa
kani-kanilang mga pamilya.
Sa malayo, nakikita ko
ang matataas na gusali kung saan lumusot mula sa bintana ang mga
tao, naglambitin paibaba gamit ang mga pinagdugtong-dugtong na kumot
at kurtina. Una kong hinanap ay aking mister. Maya-maya ay nakita ko
siyang humahangos na tumatakbo papunta sa kinaroroonan ko.
Pagkalipas ng ilang sandali ay naramdaman ang sunud-sunod na
matitinding aftershocks. Animo’y umaalon ang lupa at nabibiyak, at
lalamunin kaming lahat. Naramdaman kong kumirot ang aking tiyan, at
akala ko ay malalaglag na ang apat na buwang sanggol na dala-dala
ko. Dahil tuluy-tuloy ang pagyanig ay natakot kaming pumasok sa
bahay. Hindi na kami nagbihis pambahay at hindi ko rin maalala kung
kumain kami noong gabing iyon. Sa kalye kami natulog, nakipagsisikan
sa isang tent kasama ang mga kapitbahay.
Sa mga sumunod na araw,
magdamag kaming nakatutok sa radyo upang subaybayan ang rescue
operations sa mga gumuhong gusali. Naputol ang kuryente, tubig at
telepono, at sarado ang daan palabas ng Baguio dahil sa landslides.
Ang kinatakutan ko noon ay ang mga aftershock na dumarating sa gabi.
Dahil sa lakas nito, minsan ay natutumba ang mga nakasinding kandila
kaya kailangan naming gumapang sa dilim upang hanapin ang daan
palabas. Nalaman ko na kapag may lindol, dapat ay nasa isang malawak
at bakanteng lugar na malayo sa matataas na gusali. Mahirap ding
manatili sa loob ng bahay dahil baka magkasunog. Kung hindi naman
makalabas kaagad, maari ring sumilong muna sa isang matibay na mesa
o kama.
Para kaming mga zombie
noon. Nakatulala at para bang iyon na ang katapusan ng aming mundo.
Umabot sa 1200 ang naitalang patay dahil natabunan ng landslide o ng
gumuhong gusali. Ilan sa kanila ay mga kakilala ko pa. Habang hindi
pa natatapos ang malalakas na aftershocks na tumagal ng mahigit
isang linggo ay lumipat muna kami sa bahay na yari sa kahoy. Yari
kasi sa semento ang apartment namin at mukhang hindi safe kung
lumindol. Umabot kami sa 20 magkakaibigan na nagsama-sama sa isang
bahay. Nagtayo rin kami ng tent sa may bakuran para sa mga takot pa
ring matulog sa loob ng bahay. Parang kaming nagka-camping dahil
iisa lang ang aming lutuan at pinaghati-hatian ang anumang pagkaing
mayroon. May taga-luto, taga-linis, may taga-hanap ng masasalukan ng
tubig at mabibilhan ng pagkain. Mayroon ding mga nagpapasaya at
nagpapatawa sa grupo. Sama-sama kaming nagdasal, nagbasa ng Salita
ng Diyos, at paminsan-minsan ay umawit. Ang aming samahan ang siyang
nagpalakas sa aming loob.
Pagkalipas ng maraming araw ay nabuksan
na ang daan at may dumating nang mga tulong mula sa Maynila.
Sumailalim kami sa isang group counseling o Critical Incident Stress
Debriefing (CID) kung saan ipinakuwento ang aming naranasan at
naramdaman. Sinabi sa amin na normal lamang na matakot, malungkot at
mangulila (lalo na sa mga namatayan), ma-depress, maging manhid ang
pakiramdam (numbness), mawalan ng direksiyon sa buhay, mabangungot
sa gabi, di makatulog. Ito ay dahil nakaranas kami ng isang
traumatic experience. Hindi raw ito nangangahulugan na nasisiraan na
kami ng bait. Lilipas din daw ito, lalo na kung inaangkin at
inilalabas namin ang aming nararamdaman.
Ilang buwan din ang
lumipas bago ko nakayanang pumasok muli sa isang mataas na gusali.
At kung nasa loob na ako, tinitingnan ko kung makakapal ang mga
poste at kung matibay ang pagkagawa ng gusali. Naging sikat noon ang
opinion ng mga structural engineers. Matagal ring panahon na may
katabi akong flashlight sa pagtulog. At hanggang ngayon, kung
papasok ako sa sinehan, hindi ko maiwasan na tingnan kung nasaan ang
exit doors. Naging mas safety-conscious ako hindi lamang sa loob ng
bahay kundi pati sa labas.
Ayon sa pag-aaral na
ginawa ng mga dalubhasa sa tumamang lindol noong 1990 (tingnan ang
http://www.phivolcs.dost.gov.ph) kakaiba raw ang paraan o diskarte
ng mga Pilipino sa pagharap ng trahedya. Dahil dito ay kakaiba rin
ang klase ng therapy (o CID) na bagay sa kanila. May dalawa raw na
kaparaanan ang mga Pinoy upang makayanan nila ang mga trauma sa
buhay.
Isa dito ay ang pagdamay
ng komunidad o grupo ng mga kamag-anak o kaibigan. Sa panahon ng
trahedya, kahit gaano ka pa kagaling, damang-dama mo na kailangan mo
ang ibang tao. Makapagbibigay sila ng praktikal na tulong at
magpapalakas ng iyong kalooban. Sila ay maaari mong makuwentuhan at
mapagbuhusan ng hinaing. Kaya mahalaga na lagi mong pagtibayin ang
iyong social support system. Huwag mong kaligtaan na dalawin ang
iyong mga kamag-anak at kaibigan. Sanayin mo ang iyong sarili na
magkuwento at maging bukas sa nilalaman ng iyong damdamin. Ayon sa
mga dalubhasa, ang mga personalidad na hindi sanay magkuwento ng
kanilang tunay na naiisip at nararamdaman ang siyang mas
mahihirapang umahon mula sa isang trauma.
Ang isa pang armas ng
Pinoy sa pagharap ng trahedya ay ang kanyang relasyon sa Diyos. Ayon
sa isang psychiatrist na gumawa ng pag-aaral sa karanasan ng mga tao
noong lindol:
Our present experiences
have led us try modify the CID, which was adapted from Western
models, with the incorporation in the group process of the
affirmation that the varied responses and coping mechanisms to
acquire psychological strength and mastery in each participant carry
prominently a spiritual dimension, i.e., the experience of God
during and after the crisis. That they have called on Him, that they
have prayed and found strength, that they have acknowledged God's
power in their lives.
Totoong-totoo ito. Ang
nangibabaw sa aking isip noong kalakasan ng lindol ay ang
katotohanang ako ay isang maliit na nilalang lamang. Feel na feel ko
na kailangan ko ang isang Diyos na mas malakas at mas
makapangyarihan. Ang pakikipag-usap ko sa kanya at pagbabasa ng
Biblia ang siyang nagbigay sa akin ng lakas, kapayapaan, at pag-asa
hindi lamang noong lindol kundi hanggang ngayon. Dahil sa pag-asang
dulot niya ay nakabangon muli ako at nagkaroon ng direksiyon sa
buhay.
Nawa’y sa pagdiriwang
natin ng Pasko, ang sanggol na si Hesukristo, na siyang tinaguriang
Prisipe ng Kapayapaan, ang siyang mangunguna sa ating buhay. Dahil
sa Kanya at sa pag-ibig ng ating kapwa ay makakayanan nating harapin
ang anumang trahedya o pagsubok na darating sa ating buhay.
Mapayapang Pasko sa inyong lahat!
________________