Mainit man ang mata ng Bureau of Immigration sa
mga tinaguriang Fil-shams sa Philippine Basketball
Assocation (PBA), may ilan pa ring dayuhang may
dugong Pilipino ang nais ibahagi ang kanilang
husay at dalhin ang bandila ng Pilipinas sa
pamamagitan ng paglalaro ng tennis.
Nakaagaw pansin sa
mga Pilipino sa nakaraang Holcim-ITF Women’s
Circuit Week I sina Anja-Vanessa Peter, isang
Filipino German, at Edilyn Balanga, na galing ng
Madrid, Spain.
Hindi man pinalad na
magwagi, lumahok ang dalawa sa naturang
kumpetisyon para maranasang makipaglaro.
Inamin ng dalawa na
taga-Pangasinan ang kanilang mga magulang.
Nakabase ngayon si Peter sa Subic samantalang
pinaplano pa lamang ni Balanga na manatili sa
Pilipinas kasama ang kanyang mga kamag-anak.
Nasa Madrid ang mga magulang ni Balanga at may-ari
ng isang restaurant doon.
Sinabi ni Philippine
Tennis Association (PTA) President Buddy Andrada
na malaki ang posibilid na makapagsuot ang dalawa
ng RP uniform sa darating na Southeast Asian (SEA)
Games kung patuloy silang magsasanay.
Dagdag pa niya, ito
na rin ang pagkakataon ng Pilipinas na
maipagmalaki sa mga kalaban na may mga talento rin
ang bansa sa larangan ng tennis.
Sa ngayon, patuloy
ang paglahok ng dalawa sa iba’t ibang lokal na
kumpetisyon dahil unti-unti na nilang nagugustuhan
ang pananatili sa bansa.