Marami ang nakapapansing humihina ang resistensiya
sa laro ngayon ni Marlou Aquino kung kaya’t lalo
siyang napupulaan dahil isa sa nangungulelat
ngayon sa PBA Philippine Cup ang kanyang koponang
Sta. Lucia Realtors.
Hindi maidadahilan ng
Sta. Lucia center na namamayani sa PBA league ang
mga Fil-American kaya hindi sila nabibigyan ng
pagkakataong makagawa ng sariling diskarte.
Ngayong nagbabantang
mapatalsik sa bansa ang 5 front liners ng liga na
kinabibilangan ng mga Fil-Americans, ito na ang
pagkakataon ni Aquino na ipakita ang sariling
galing.
Napatunayan naman
niya ang kanyang pagbabalik-loob sa paglalaro nang
makasagupa ng Realtors ang Coca-Cola Tigers, ang
isa sa pinakamalakas na koponan sa liga ngayon.
Ipinapakita uli
ngayon ni Aquino na kaya pa rin niyang
makipagsabayan sa mga higante ng ibang koponan,
gaya nina EJ Feihl ng Alaska, Andy Seigle ng
Ginebra at Yancy De Ocampo ng Talk ‘N Text.
Kaya pa rin niyang
gamitin ang lakas at ang maasahang fall-away jump
na maikukumpara sa porma dati ni Philip Cesar.
Marami ang nakapupuna
kung ano ang dinaramdam ni Aquino at hindi na
muling nagningning ang kanyang lakas, hindi tulad
ng dati na siya ang kinatatakutan sa shaded lane
nang nasa Ginebra pa siya.
Itinuturing siyang
pader na hindi magigiba nang rookie ito dahil
walang kasintaas niya ang kayang makipagsabayan at
tumakbo sa loob ng hardcourt sa loob ng mahigit 30
minutos.
Ngunit dahil sa
unti-unting pagkawala ng mga ‘Fil-sham’ sa PBA,
posibleng ito na ang pagkakataon ni Aquino na
ibalik ang dating gilas at bilis kahit na siya ang
pinakamatangkad sa lahat ng manlalaro sa PBA.