Tomo 6
Numero 5
December 2004

 

Home About Us Site Map Contact Us Archives

Pekeng Fil-Ams sa PBA, goodbye!

Ni Maria Tanyag

Kaa-abangan ngayon sa Philippine Basketball Association (PBA) at sa mundo ng showbiz kung ano ang mangyayari sa 6 na tinaguriang Fil-shams na napatunayan ng korte na nandaya ng kanilang mga dokumento para makapaglaro sa Pilipinas.

Nitong nakaraang buwan, kaagad nang umalis ng bansa sina Davonn Harp at Mick Pennisi ng Red Bull at hindi na pinatagal pa ang pananatili sa Pilipinas matapos ilabas ng Department of Justice ang desisyon nito.

Idinahilan ng dalawa base sa kanilang press statement na umalis sila ng bansa para maghanap ng iba pang dokumento para patunayang may lahing Pilipino ang kanilang mga magulang.

Sinabi ng dalawa na ang pag-alis nila ng bansa ay hindi nangangahulugang sumusuko sila sa mga akusasyon.

Iniutos nila sa kanilang mga abugado na ituloy ang kaso sa korte para mapabago ang deportation order na inilabas ng DoJ.

"I will do whatever I have to do to prove that these accusations against me are false and I assure everyone that I will be vindicated," pahayag ni Pennisi.

Nagpasalamat naman si Harp sa lahat ng mga sumuporta sa kanya habang nandito siya sa Pilipinas at nangako itong babalik.  "I shall return a fiercer competitor on the hardcourt, a stronger advocate of truth and justice and more unequivocally a true Filipino citizen," pahayag nito.

Binigyang diin pa ng dalawa na sila ang mga mamamayan ng Pilipinas na sumusunod sa batas.  Naging miyembro si Pennisi ng RP Team na lumaban sa Busan Asian Games

noong 1992 samantalang bahagi naman ng training pool si Harp.

Kasama ng dalawang napatunayang Fil-shams sina John Ordonio ng Red Bull, Rudy Hatfield ng Coca-Cola at Alex Crisano ng Barangay Ginebra.

Nauna nang napatunayang nameke ng dokumento si Asi Taulava ng Talk N Text ngunit hindi naisama ang pangalan niya sa summary deportation order ng Bureau of Immigration dahil nakakuha ito ng injunction bago pa ang desisyon ng DoJ.

Showbiz personalities, apektado

Nakapagsumite naman ng petition for a temporary restraining order at permanent injunction sa Court of Appeals sina Ordonio, Hatfield at Crisano.  Ikinagalak naman nina Rufa Mae Quinto at Ethel Booba ang pagbigay ng korte sa kanilang mga kasintahan ng pagkakataon para patunayang may dugo silang Pilipino.

Gayunman, handa ang dalawa kahit maging negatibo man ang desisyon ng korte.  Ayon kay Rufa Mae, noon pa man ay handa na siyang sumama kay Hatfield at iwanan ang showbiz sakaling ipa-deport na ng tuluyan ang kanyang kasintahan ng limang taon.

Matindi rin ang pinagdadaanan ngayon ni Ethel kahit na isa sa pinakasikat na showbiz personalities ng GMA Network.  Ayon kay Ethel, matindi ang sinusuong nilang problema ngayon ni Crisano.  Ngunit mas pipiliin na niyang sumama sa kanyang mahal kung hindi papabor sa basketbolista ang desisyon ng korte.

Red Bull, patuloy na aasa

Hindi maitatanggi ni Red Bull coach Yeng Guiao na may epekto sa kanila ang paglisan nina Pennisi at Harp ngunit pilit nilang ginagawan ito ng paraan, lalo na’t nagsisimula pa lang ang 2004 PBA Philippine Cup.

"Psychologically, nakapag-cope na rin kami," pahayag nito.

Ipinaliwanag ng Red Bull coach na marami pa rin sa kanyang koponan ang umaako ng pagkawala ng dalawa.

Nariyan na si Rico Villanueva, ang nag-iisang poste ng koponan na may kakayahan sa opensa at depensa.

Sinabi naman ni Red Bull team manager Tony Chua na babalik ang dalawa dahil narito pa sa Pilipinas ang kanilang asawa at mga anak.

 

Home | About Us | Site Map | Contact Us | Archives
MAIN : Philippine News | Asian News | Migranteng Pinoy | Editoryal / Opinyon | Community News | Commentary | Pinoy Sports
LIFESTYLE : Pusong Pinay | Lakbay Pinoy | On Focus | Horoscope | Lathalaang Ginto | Maikling Kuwento | Beauty | Buhay OFW | Lunti  
SHOWBIZ :
Silangan Entertainment | Q & A | Ricky's Diary | Showbiz ka ba | Star Files | Tell no Tales | Hollywood Spills | Gets N'yo
INTERACTIVE :
Guestbook | Silangan Forum | Shopping

Powered by: 
Silangan Shimbun Web Admin
 

Silangan Shimbun
© 2003 - All Rights Reserved.