Tomo 6
Numero 5
December 2004

 

Home About Us Site Map Contact Us Archives

RP, nanguna sa interfaith dialogue sa UN

Ni Oliver B. Pestañas

Tinanggap ng United Nations General Assembly ang panukala ng Pilipinas para sa pagkakaroon ng interfaith dialogue sa iba’t ibang bansa. Layon nito ang pagkakakaroon ng mas mabuting samahan sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano. Kinilala ang panukala ng Pilipinas sa harap ng UNGA. Ayon kay Ambassador Lauro Baja, gumanda ang imahe ng Pilipinas sa buong mundo dahil sa panukalang ito. Ipinapakita umano nito na kahit naghihirap ang bansa ay mahalaga pa rin dito ang pagkakaroon ng malayang pananampalataya at binibigyang-pansin pa rin ang lahat ng uri ng relihiyon.

Dalawa ang pinakamalaking relihiyon sa Pilipinas, ang Islam at Kristiyanismo. Ilang dekada ang nakalipas nang mabuo ang Moro National Liberation Front. Layon nito ang pagkakaroon ng independent state para sa Mindanao. Pinamunuan ito ni Nur Misuari at ilang taon din ang naging digmaan ng MNLF at ng mga sundalo ng pamahalaan. Nagkaroon naman ng peace talks at nagbalik loob naman sa pamahalaan ang mga nagrebeldeng MNLF. Naging gobernador naman ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) si Misuari pero napatalsik din ilang taon sa kanyang termino dahil sa umano’y katiwalian.

Pagkatapos ng MNLF ay lumabas naman ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), panibagong grupo ng rebeldeng Muslim na gumamit ng armas. May patuloy na umiiral na ceasefire sa MILF at puwersa ng pamahalaan pero hindi pa rin natitigil ang engkuwentro sa pagitan ng dalawa. Hindi pa rin tiyak kung kailan mauumpisahan ang pormal na peace talks sa MILF at pamahalaan sa kabila ng pagtulong ng ibang bansa tulad ng Malaysia at Singapore para maayos ang gulo.

Lumabas din ang bandidong grupong nagpakilala bilang Abu Sayyaf. Responsable ang grupong ito sa pagdukot at pagpatay sa maraming Pilipino at dayuhan. Pinakamalaking operasyon ng grupo ay ang pagdukot nila sa mga turista sa Sipadan, Malaysia. Sa sunod-sunod na operasyon ng pamahalaan ay bumagsak ang ilang matataas na lider ng Abu Sayyaf pero may ilang matataas na lider pa rin nito ang nakakalaya kaya’t tuloy pa rin ang operasyon ng mga ito. Nasa international terrorist list na rin ang Abu Sayyaf.

Pangunahing dahilan sa pag-aaklas ng mga rebeldeng Muslim sa Mindanao ay kahirapan. Nasa rehiyong ito pa rin ang mga pinakamahihirap na probinsya sa bansa. May sentimiyento rin ang mga taga-Mindanao na kulang sila sa atensyon mula sa pamahalaan. Nakasentro lamang umano ito sa Luzon, partkular sa Maynila kaya’t hiling nila ay ang de-sentralisasyon ng kapangyarihan. Mas magiging produktibo umano ang Mindanao kung bibigyan ito ng kaparehong atensyon ng pamahalaan na ibinibigay nito sa mga urban poor ng Metro Manila.

Mas magiging maayos ang ekonomiya ng mundo, hindi lamang ng Pilipinas kung magkakaroon ng mabuting ugnayan sa pag-itan ng mga relihiyon. Sa makabagong panahon ngayon, ang hindi pagkakaunawaan sa mga relihiyon ang pangunahing dahilan ng mga alitan at kaguluhan sa ibang bansa. Tuloy pa rin ang cultural at religious discrimination sa bansa kaya’t kung maipapatupad ng UN ang interfaith awareness at dialogue, magiging kapaki-pakinabang ito sa maraming bansa sa mundo.

 

Home | About Us | Site Map | Contact Us | Archives
MAIN : Philippine News | Asian News | Migranteng Pinoy | Editoryal / Opinyon | Community News | Commentary | Pinoy Sports
LIFESTYLE : Pusong Pinay | Lakbay Pinoy | On Focus | Horoscope | Lathalaang Ginto | Maikling Kuwento | Beauty | Buhay OFW | Lunti  
SHOWBIZ :
Silangan Entertainment | Q & A | Ricky's Diary | Showbiz ka ba | Star Files | Tell no Tales | Hollywood Spills | Gets N'yo
INTERACTIVE :
Guestbook | Silangan Forum | Shopping

Powered by: 
Silangan Shimbun Web Admin
 

Silangan Shimbun
© 2003 - All Rights Reserved.