Tomo 6
Numero 5
December 2004

 

Home About Us Site Map Contact Us Archives

OWWA Omnibus Policies
kailangang palitan -- Migrante

Ni Vincent Jan Rubio

Nais pa ring isulong ng grupong Migrante International ang pagbabasura sa Omnibus Policies ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA. Hindi umano ito nakatulong ng kahit kaunti para sa kapakanan ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa panahon ng pangangailangan o kagipitan. Panahon na umano para sa pagbabago ng charter at naghain ang Migrante ng ilang puntos para sa ikabubuti ng kalagayan ng mga OFW at maging ng pamilya nilang naiwan sa Pilipinas.

Isa sa mga pangunahing problema ng mga OFW ay ang US$25 o halos P1,400 na membership fee. Dagdag gastos lamang umano ito para sa mga magtatrabaho sa ibang bansa kaya’t mas mabuti ang employer na lamang nito ang magbayad. Maari naman umano itong ikaltas ng employer sa unang sahod ng OFW. At dahil nagbayad na ng membership fee, dapat umano ay lifetime na rin ang membership nito sa OWWA at hindi kapag may active contract lamang. Walang silbi ang membership ng isang OFW kung may active contract siya dahil may pera pa namang nakukuha ito mula sa kanyang sahod. Ayon sa Migrante, mas kailangan ang tulong pinansyal ng mga OFW o ng pamilya nito kung wala na siyang active contract.

Marami rin namang OFW ang nagrereklamo sa kabagalan ng pagkuha ng kanilang karampatang benepisyo sa OWWA. Taun-taon ay patuloy na humahaba ang pila ng mga claimants dahil sa napakaraming prosesong pagdaraanan para makuha ang mga kailangan. Burukrasya o red tape pa rin naman ang itinuturong dahilan sa mabagal na sistema ng OWWA. Dapat umanong umaksyon ang pamahalaan sa problemang ito sa ahensya dahil walang pakinabang ang OWWA kung patuloy itong magpapahirap sa mga OFW.

Ayon sa Migrante, kinakailangan din umanong may miyembro ng senado at kongreso sa OWWA board of trustees. Dapat ay nasa committee on labor ang mga pipiliing miyembro. Importante ring may representative ang mga party-list organizations na nagtutulak sa kapakanan ng mga OFWs at mga seafarers, para masigurong may boses din ang mga ito sa mga usapan sa loob ng OWWA. Dagdag pa ng Migrante, kailangan ding ipatupad ang madaliang pagsibak sa mga miyembro ng board na nagiging pabigat lamang sa ahensya, dahil sa kakulangan ng aksyon o dahil sa ‘di pagtupad sa kanyang trabaho.

Makakatulong din ang pagbibigay ng kalahati ng taunang pondo ng OWWA mula sa annual budget ng pamahalaan. Isang paraan lamang umano ito ng pagkilala sa kabayanihan ng mga OFW. Bilyong piso ang nire-remit ng mga Pilipinong manggagawa mula sa abroad, at malaking halaga na rin ang naibigay ng mga ito bago pa man umalis ng bansa, mula sa pagkuha ng passport, pagbabayad ng airport terminal fee, at kung anu-ano pang hinihingi sa kanila.

Home | About Us | Site Map | Contact Us | Archives
MAIN : Philippine News | Asian News | Migranteng Pinoy | Editoryal / Opinyon | Community News | Commentary | Pinoy Sports
LIFESTYLE : Pusong Pinay | Lakbay Pinoy | On Focus | Horoscope | Lathalaang Ginto | Maikling Kuwento | Beauty | Buhay OFW | Lunti  
SHOWBIZ :
Silangan Entertainment | Q & A | Ricky's Diary | Showbiz ka ba | Star Files | Tell no Tales | Hollywood Spills | Gets N'yo
INTERACTIVE :
Guestbook | Silangan Forum | Shopping

Powered by: 
Silangan Shimbun Web Admin
 

Silangan Shimbun
© 2003 - All Rights Reserved.