Tomo 6
Numero 4
November 2004

 

Home About Us Site Map Contact Us Archives

Ni Rashinda de Vega

Bestman

Sa dinami-rami ng babae sa mundo, hindi ko alam kung bakit kay Amy pa nahulog ang puso ko. Oo nga’t maganda siya – katamtaman lang ang pagkaputi, straight at mahaba ang buhok, medyo hawig ni Joyce Jimenez pero matangkad na version. Pero sa simula pa lang, alam kong hindi ko na puwedeng mahalin pa si Amy. Nakilala ko siya noong May 1999 nang una siyang isama ng best friend kong si Dave sa birthday party ng isang friend namin.

Actually, girlfriend siya ni Dave at nagkakilala rin daw sila ni Amy sa isang birthday party. Una pa lang maghawak ang kamay namin ni Amy, naramdaman kong parang may kuryente nang dumaloy sa katawan ko mula sa kanya. Hindi ko alam kung bakit, pero may "something" sa kinang ng mata ni Amy o sa kilos niya na parang ang gaan-gaan sa pakiramdam. Para siyang wisp of fresh air sa gitna ng usok ng yosi ng party na iyon at parang tumigil ang mundo ko nang bigla niyang kunin ang aking kamay.

"Bro, I’d like you to meet Amy," introduction sa amin ni Dave. "Amy, si Gene, bestfriend ko."

Agad na inabot ni Amy ang kamay ko at mariing pinisil ito sa pagkamay niya sa akin. Napangiti lang ako, siguro nag-blush pa nga. Maganda ang ngiti ni Amy, parang ngumingiti maging mga mata niya sa pag-smile niya.

Mula nang ipakilala siya sa akin ni Dave, naging madalas na kaming tatlong magkasama. Kasama na namin siya sa mga gimik, sa panonood ng sine, pagkain sa labas, pati sa office parties (officemates kasi kami ni Dave pero high school pa lang eh magkaklse na kami).

Okay kakuwentuhan si Amy, actually mas pareho ang trip naming dalawa kesa sa trip nila ni Dave. Pareho kaming Harry Potter fan kaya minsan nga dalawang oras kaming nagkaroon ng animated conversation tungkol kina Harry, Ron at Hermione habang nakatunganga si Dave na isip nang isip kung ano nga ba ang ikinatutuwa namin kay Harry at sa owl niyang si Hedgwig. Pati type ng music pareho kami. Kung hip-hop lang ang gusto ni

Dave, naa-appreciate naman namin ni Amy ang lahat ng uri – mula classical music to classic rock.

Pero nagsimula ang closeness namin ni Amy dahil sa out of town trips naming tatlo. Tulad na lang nang minsang magpunta kami sa Baguio, sobra kasing antukin itong si Dave kaya naiwan na lang kami ni Amy sa sala, pinag-uusapan ang pamilya ko o pamilya niya, mga ex ko at mga ex niya, hobbies (gusto pala niyang maging photographer), mga trip na gimik (karaoke bars, "kaya lang hindi mahilig kumanta ‘tong si Dave, eh"), at pati mga naging pets niya ("May pusa kaming ang pangalan ay Sharon Cuneta.").

Kaya naman nang minsang mag-away sina Amy at Dave, natural na ako na rin ang naging takbuhan niya. Ilang oras din kaming nag-usap sa telepono ni Amy dahil sa sama ng loob niya kay Dave (mga 1 a.m. to 5 a.m. lang naman) at ako naman, bilang mabuting kaibigan, eh patuloy na nagpapayo na pagpasensiyahan na ang mga toyo ng best friend ko dahil may toyo talaga ‘yun. Natatawa lang si Amy sa mga advice ko at sa dulo ng aming conversation, alam kong masaya na ulit si Amy. Kinabukasan, bati na ulit sila ni Dave.

Pero nagkabati man sila , medyo nahihirapan naman na ako sa sitwasyon ko. By this time, masyado na kaming malapit ni amy at nararamdaman ko nang nahuhulog na ang loob ko sa kanya. Kaya sa mga sumunod na linggo, medyo hindi muna ako nagparamdam sa kanila ni Dave. Iniisip ko, mawawala rin itong feelings ko para kay Amy.

Pero nag-iba ito nang minsang makatanggap ako ng text mula sa kanya.

"Hi Gene. Bkt hnd k n sumasma s min? R u ok?"

I’m not okay, I’m in love with you, gusto kong sabihin. Pero siyempre, hindi ko kayang saktan si Dave. Best friend ko siya, "Bro" nga ang tawagan namin sa isa’t isa at magkadikit na halos ang bituka namin. At isa pa, alam kong mahal niya si Amy.

"Im ok. Jst bz wd work."

"Dave told me ur not so bz nmn dw. My tmpuhan b kyo?" sagot niya.

"Wla nmn, bz wd odr thngs actually," paga-alibi ko.

"Mgpkita k na sa kin. Miss u na," biglang text niya.

Wala siguro ako sa sarili o gago lang talaga ako kaya sumagot ako ng "Miss u 2" sa text niya. Tama bang tinext ko siya nang ganun? Hindi ko alam. Pero nagulat ako sa sagot niya sa akin. "Aba, namimiss mo rn pla ko. Kla ko ako lng nkkmiss syo. Naiisip kta plagi."

Hindi na rin siguro ako nakapagpigil. Sumagot ako.

"Naiisip dn kta palagi."

Biglang nag-ring ang landline ko sa bahay. Si Amy.

"Gene, what happened to you?" "Nothing, I’m just busy. Napatawag ka," engot na reaksyon ko. Nasabi na nga niya sa text kanina, sinabi na ni Dave na hindi nga raw ako busy.

"Gene, is something bothering you?"

"Ah…wala naman."

"Totoo bang naiisip mo rin ako palagi?"

Medyo hindi agad ako nakasagot. Pinag-iisipan ko kung ano nga bang dapat o tama kong isagot. Pero sinabi ko na rin ang totoo.

"Oo, naiisip nga kita palagi."

"Anong iniisip mo?" tanong niya.

"Na nahuhulog na loob ko sa iyo." Bigla na lang lumabas sa bibig ko.

At nagulat ako sa reaksyon ni Amy. Umiyak siya, naririnig kong umiiyak siya sa kabilang linya.

"Bakit? Nag-away ba kayo ni Dave?" engot na namang tanong ko.

"Hindi Gene. Ano ka ba? Nahuhulog na rin loob ko sa iyo. Pero best friend mo si Dave!" halos pasigaw na sambit niya.

Nakakaawa ang iyak ni Amy. Yet at the same time nagugustuhan ko ang narinig ko. Mahirap naman talaga ang sitwasyon namin. At alam kong mahal din naman siya ni Dave. Parang natuwa ngunit kumirot tuloy ang dibdib ko.

Gusto kong aluhin si Amy sa moment na ito pero naguguluhan din ako kung anong susunod kong gagawin. At nagulat naman ako sa tanong ni Amy.

"Gene, tanong ko lang. Gusto mo ba ako?"

"Gusto," marahang sabi ko. "Gustong gusto, Amy."

Ito na siguro ang pinakanakakagulong araw ng buhay ko. Masaya pero malungkot. Masarap pero masakit.

Pero matindi rin siguro ang nararamdaman namin para sa isa’t isa dahil dito nagsimula ang pagtataksil namin kay Dave. Mula sa pag-uusap na ito, palihim na kaming nagkikita ni Amy, lumalabas nang kaming dalawa

lang. Walang makapagsabi sa amin kay Dave at tuloy pa rin ang relasyon nilang dalawa.

Umabot na sa mahigit dalawang taon na patago-tago at nagnanakaw kami ng mga sandali ni Amy. Masaya kami kapag kaming dalawa lang. Na-inspire ko yata si Amy na i-pursue ang hilig niya sa photography at naging tambayan din namin ang IO at Music 21 dahil sa hilig niya sa pagkanta. Ako naman, naging masigasig nang magsulat ng first novel ko dahil pangarap ko namang maging novelist. Para bang may sarili kaming mundo ni Amy kapag magkasama kami.

At sa mundo namin, dalawang nilalang lang ang nabubuhay – si Amy at ako. Pero kapag kasama namin si Dave, bumabalik ang sakit at hirap na dulot ng guilty feelings namin dahil nakikita kong mahal na mahal din ni Dave si Amy. Nakikita ko ring maging si Amy ay hirap na niloloko niya si Dave.

Ilang beses din naming napagdesisyunan ni Amy na itigil na itong relasyon namin. Pero the next day, laging may isa sa aming bumibigay at nagkakabalikan din kami.

Minsan tinanong ko si Amy kung mahal pa niya si Dave.

"Ayoko nang pag-usapan ‘yang bagay na ‘yan," sabi niya.

"Hindi puwede, more than two years na tayong ganito Amy."

"Nagsasawa ka na ba?"

"Hindi. Nasasaktan lang ako dahil masasaktan natin si Dave."

Umiyak si Amy. Laging umiiyak si Amy pero for the first time, sobrang lungkot ng iyak niya na pati ako muntik nang umiyak. Naramdaman ko ‘yung sakit na nararamdaman niya sa iyak niyang iyon at nakita kong mahal nga niya siguro si Dave para umiyak siya nang ganun.

"Anong gagawin natin?" tanong niya sa pagitan ng mga hikbi. Pero hindi ko na rin napigilan ang sarili ko.

"Mamili ko na lang kaya sa ‘ming dalawa? Either way, may masasaktan naman eh," prangkang sagot ko.

Tahimik na umiyak muli si Amy. Tumalikod na lang ako sa kanya. Ayoko na siyang makita pa. "Mahal ko si Dave. Hindi ko siya kayang saktan," marahang sagot niya.

Nasaktan ako sa sagot ni Amy. Pero kahit ako hindi sigurado kung gusto ko bang ako ang piliin niya. Napakabuting kaibigan ni Dave, halos kapatid na ang turing ko sa kanya at mula high school pa lang eh best buds na kami.

Pilosopiya na namin na walang agawan ng crushes, ng nililigawan, at lalo na ng mga girlfriend. Pero nasira ko na ito at ngayon nasasaktan ako dahil maging si Amy ay hindi kayang saktan si Dave para sa akin. Tulad din siguro ng hindi ko kayang unahin ang sarili ko at saktan din si Dave.

"So this is the end?" tanong ko.

Umiyak na lang nang umiyak si Amy. Wala na rin akong masabi sa kanya. Marahan akong lumapit sa kanya, niyakap siya for the last time at hinalikan siya sa noo. Ito na siguro ang laban na hindi ko kayang ipaglaban sa buong buhay ko. Talo naman talaga kaming dalawa dito eh, at alam namin ito sa umpisa pa lang ng relasyon naming ito ni Amy. Umalis na ako at iniwan siyang umiiyak.

Matapos nito, naghanap na agad ako ng bagong trabaho. Suwerte’t nakahanap naman kaagad, at least may excuse akong hindi na laging makasama si Dave na lagi ring kasama si Amy. Nagkaka-email o text din kami ni Dave minsan pero hindi na ako nakibalita pa tungkol sa relasyon nila. Minsan niyayaya pa rin ako ni Dave na gumimik kasama si Amy pero lagi na lang akong naghahanap ng excuse na ‘wag makasama sa kanila.

Nanligaw ako ng ibang babae pero hanggang ngayon aminado akong wala akong ibang minahal tulad ng pagmamahal ko kay Amy.

At minsan binalitaan ako ni Dave. Nag-propose na raw siya kay Amy at pumayag na itong magpakasal sa kanya. Nakaramdam na naman ako ng matinding kirot sa dibdib ko pero nagpanggap na lang ako na masaya para sa kanila.

"Bro, ikaw ang best man ko ha," masayang sabi ni Dave. At gaya ng dati, hindi ko pa rin kayang i-disappoint si Dave. Napakabuti niyang tao para sa akin. Pumayag ako.

Sa araw ng kasal ng dalawa ko na lang muling nakita si Amy. Tulad noon, maganda pa rin siya at hawig pa rin niya Joyce Jimenez. Ang ganda-ganda niya sa simpleng white wedding dress na suot niya at habang naglalakad siya sa aisle, nakita kong napatitig siya sa akin nang bahagya. Yumuko na lang ako, hindi ko na rin siguro kaya at baka umiyak na rin ako sa sakit na makita siyang ikakasal na. Naisip-isip ko kasi noon ang eksenang ito, pero hindi ako ang best man kundi ang groom. Napatingin ako kay Dave at nakita kong kakaiba ang ngiti niya sa araw na ito. Parang ang saya-saya niya. Tumuloy na rin ang kasal at isang oras ko ring pinigilang mapaluha sa harap ng maraming tao. Mukha naman silang masaya, obserba ko. Pero nang sabihin na ng paring "I pronounce you husband and wife," hindi ko na napigilan ang sarili ko. Lumabas ako ng simbahan at umiyak.

 

Home | About Us | Site Map | Contact Us | Archives
MAIN : Philippine News | Asian News | Migranteng Pinoy | Editoryal / Opinyon | Community News | Commentary | Pinoy Sports
LIFESTYLE : Pusong Pinay | Lakbay Pinoy | On Focus | Horoscope | Lathalaang Ginto | Maikling Kuwento | Beauty | Buhay OFW | Lunti  
SHOWBIZ :
Silangan Entertainment | Q & A | Ricky's Diary | Showbiz ka ba | Star Files | Tell no Tales | Hollywood Spills | Gets N'yo
INTERACTIVE :
Guestbook | Silangan Forum | Shopping

Powered by: 
Silangan Shimbun Web Admin
 

Silangan Shimbun
© 2003 - All Rights Reserved.