Tomo 6
Numero 4
November 2004

 

Home About Us Site Map Contact Us Archives
  L U N T I

Utang na loob

Dear Lunti,

Una sa lahat ay binabati ko kayo at ang lahat ng mga mambabasa ng Silangan Shimbun. Dahil ako’y nakabase na ngayon dito sa Pilipinas ay hindi na ako nakatatanggap ng buwanang isyu ng Silangan. Gayunpaman, nasusubaybayan ko pa rin ang iyong kolum sa pamamagitan ng Internet.

Ako’y sumulat upang humingi ng advice hindi para sa aking sarili kundi para sa aking kapatid na ngayon ay nagtatrabaho sa Japan. Siya’y babysitter ng isang mag-asawang Aleman na nakabase sa Tokyo. Nakapunta siya sa Japan hindi sa tulong ko kundi sa tulong ng isang malayong pinsan na dati na ring naglingkod sa mag-asawang ito.

Naka-tatlong taon na ang aking kapatid sa Tokyo at mukhang nagugustuhan naman siya ng kanyang mga amo. Masasabi kong nag-eenjoy din naman siya at sinabi niya mismong may plano siyang tumagal pa roon. Laking pasalamat ko sa pinsan naming tumulong sa kanya upang makapagtrabaho sa pamamahay ng mabait na mag-asawang ito.

Subalit hindi pala lahat ng pagtulong sa kapwa o kamag-anak ay dala lamang ng pagiging bukas-palad. Ipinagtapat ng aking kapatid na sa tuwing uuwi siya sa amin ay obligado siyang magdala ng kung anu-anong padala ni pinsan at ng kanya pang mga kapatid. Ipinaparamdam din daw sa kanya na magbigay siya ng pasalubong sa mga magulang ni pinsan. Para sa akin, bagay lang naman na ipadama niya ang kanyang pasasalamat subalit hindi naman sana aabot sa puntong napipilitan na lamang siya.

Naging isyu pa lalo ang pagbabayad ng utang na loob nang magkaroon ng kaunting di-pagkakaintindihan ang aking kapatid at si pinsan. Natsismis umano ang pagiging magastos ng asawa ni pinsan at pinagbintangan ni pinsan na nakitsismis din ang aking kapatid. Puro "walang hiya" at "walang utang na loob" daw ang pinagsisigaw ni pinsan sa kanya, at wala namang magawa ang aking kapatid kundi umiyak na lamang sa akin sa telepono.

Mula noon ay may ilang beses pang pinagdiinan ni pinsan na walang utang na loob ang aking kapatid dahil sa hindi nito pagkampi sa tuwing mayroong mga tsismis tungkol sa kanya. Ako naman ay sobrang nagagalit na dahil sa paniningil ni pinsan ng utang na loob. Binalak ko na ngang tawagan si pinsan upang pag-usapan ito, subalit pinigil ko ang aking sarili dahil ayokong panghimasukan ang samahan nila ng aking kapatid.

Lunti, hanggang kailan ba dapat tanawin ang utang na loob? Papaano ba natin masasabi kung sapat na ang naisukli sa natanggap na pabor o tulong? Kung sakaling hindi na kayanin ng aking kapatid na panatilihin ang mabuting pakikitungo sa aking pinsan, ano kaya ang sasabihin ng iba?

Sana’y matulungan ninyo akong makaisip ng mabisang solusyon.

Meyong

____________________________________

Dear Meyong,

Maraming salamat sa iyong pagsulat at pagtitiwalang makapagbibigay ako ng sagot sa iyong mga katanungan.

Dalawang bagay ang nais kong bigyang-pansin bago ko sagutin ang iyong katanungan. Sa iyong kwento’y halatang mayroong problema ang pamilya ng pinsan mo kaya’t ninais niyang humingi ng suporta sa iyong kapatid sa pamamagitan ng pagkampi sa kanila kahit na walang paglilimi maging nasa tama man sila o mali. Sa puntong ito ay masasabi kong walang dapat ikabahala ang iyong kapatid sapagkat hindi kailanman kinakailangang kumampi sa kamag-anak, may utang na loob man o wala, dahil lamang sa pagiging magkamag-anak. Lalong higit, karapatan ng kapatid mo na magkaroon ng sariling opinyon sa mga bagay-bagay, walang maaaring kumwestiyon nito, maliban na lamang kung nagkasala siya sa batas o sa mata ng Diyos. Mahirap mang gawin dahil sa malala nang sitwasyon ngayon, payo kong makipag-usap na lamang ang iyong kapatid sa iyong pinsan at linawin ang kanyang sarili lalo na kung wala namang katotohanang isa siya sa mga nagkalat ng tsismis tungkol sa pinsan ninyo. Sa kasong ito, ang isang paliwanag, bumagsak man sa mga saradong tenga ay sapat na.

Ang pangalawang punto ay ang katotohanang maaaring dahil din sa problema ay naging sensitibo ang inyong pinsan kaya lalong naging madali ang pagsama ng loob nito sa iyong kapatid. Bakit hindi subukan ng kapatid mong dumamay o magtanong man lamang kung mayroong maaaring maitulong? Ito siguro ang tamang panahon upang siya naman ang mag-abot ng kamay…hindi dahil kailangang tumanaw ng utang na loob, kundi dahil siya naman ngayon ang nasa sitwasyong maaaring makatulong.

Isa ang utang na loob sa mga bagay na mahirap suklian at sa kulturang tulad ng sa atin, minsan ito’y habambuhay na tinatanaw. Ganumpaman, tama kang hindi na maganda ang pagbabayad nito kung napipilitan na lamang. At hindi na siguro kailangan pang ikaw ang makipag-usap sa pinsan ninyo para sa iyong kapatid. Una, dahil sa palagay ko’y kaya na niyang ipaliwanag ang sarili niya, at pangalawa, dahil may posibilidad na lumala lamang ang gulo kapag may kamag-anak pang napasali sa kwento. Samantala, hindi na rin dapat makinig o magpa-apekto ang kapatid mo sa sasasabihin ng kahit na sinong tao dahil kapatid mo lamang ang nakaaalam ng lawig ng utang na loob na bukal sa loob niyang bayaran. Marami namang paraaan ng pagtanaw ng utang na loob at sa tanong na paano at hanggang kelan ay kapatid mo lang ang makapagbibigay ng pinakamagandang sagot.

Lunti

______________

Ikaw ba ay may suliranin sa pag-ibig o pakikipagrelasyon? Lumiham kay Lunti at pakikinggan niya ang iyong hinaing at saloobin. Mag-email na sa lunti@silangan-shimbun.com.

Home | About Us | Site Map | Contact Us | Archives
MAIN : Philippine News | Asian News | Migranteng Pinoy | Editoryal / Opinyon | Community News | Commentary | Pinoy Sports
LIFESTYLE : Pusong Pinay | Lakbay Pinoy | On Focus | Horoscope | Lathalaang Ginto | Maikling Kuwento | Beauty | Buhay OFW | Lunti  
SHOWBIZ :
Silangan Entertainment | Q & A | Ricky's Diary | Showbiz ka ba | Star Files | Tell no Tales | Hollywood Spills | Gets N'yo
INTERACTIVE :
Guestbook | Silangan Forum | Shopping

Powered by: 
Silangan Shimbun Web Admin
 

Silangan Shimbun
© 2003 - All Rights Reserved.