|
 |

Hindi lang pera ang kailangan
Bagong
bayani man ang turing sa overseas Filipino workers dahil sa
binubuhay ng remittances nito ang ekonomiya ng bansa,
lumalabas naman sa isang ADB (Asian Development Bank)-funded
study na hindi nagiging produktibo ang impact ng
bilyun-bilyong remittances na ito sa social at economic
development ng Pilipinas. Ito’y dahil ayon sa pag-aaral,
napupunta lamang ang malaking bahagi ng tinatayang US$7
billion na remittance sa isang taon sa excessive consumption
at hindi sa pagi-invest sa mga bagay na makakatulong sa
pag-unlad ng ekonomiya.
Kung titignang mabuti, malaki nga ang katotohanan sa resulta
ng pag-aaral na ito. Ito’y dahil kapansin-pansin na sa bawat
pamilyang may isang OFW na kaanak, ito na ang nagiging
tagapagtaguyod ng pamilya; nagpapaaral sa mga anak, kapatid,
pamangkin; nagbibigay pinansiyal na tulong sa mga kamag-anakan;
pumupuno ng pinansiyal na kakulangan ng mga naiwang
kapamilya sa Pilipinas; at iba pa. Malaking halagi rin sa
naipapadalang pera ay napupunta sa pambili ng mga kagamitan
tulad ng cellphone, telebisyon, video players, iba pang
appliances, at marami pang ibang luho. Sa kabila nito, ilan
lamang ang nagtatabi ng pera upang magsimula ng negosyo sa
loob ng bansa na siyang isa sa mga kinakailangan ng
Pilipinas upang maiangat ang ekonomiya.
Dalawa mula sa tatlong OFW ang galing sa probinsiya at
karamihan sa mga ito’y nagtatrabaho bilang domestic helpers,
health care workers, at seamen sa ibayong dagat. Ngunit
karamihan din sa mga ito’y naiiwang bumubuhay sa buong
pamilya. At tulad ng matagal nang naiulat na epekto ng
pagkawala ng magulang upang makapagtrabaho sa ibang bansa,
nagkakaroon ng kakulangan sa paggabay ang mga anak na
naiiwan sa bansa. Dahil dito, marami sa mga ito’y nagiging
dependent na lamang sa buwanang padala ng magulang o kaanak
habang kinukulang naman ang mga ito ng pag-aaral ukol sa
tamang paggamit ng perang ipinadadala.
Sa
panahong kinakailangan ng bansa ng tulong ng bawat isa upang
ibangon ang ating ekonomiya, mahalagang maintindihan ng
lahat – OFW man o kaanak – na hindi lamang remittances ang
kailangan ng bansa. Kailangan nito ng mga negosyante, ng mga
taong magtitiwala at gagawin ang lahat upang kumita sa loob
mismo ng bansa. Kinakailangan din nito ng mga kaanak na
hindi lamang aasa sa padala ng OFW na kapamilya, bagkus ay
magi-initiate na magamit sa kapaki-pakinabang na paraan ang
perang natatanggap at hindi mapunta sa puro luho lamang.
Kinakailangan din ng bansa ng OFWs na magbabahagi ng mga
magagandang bagay (sistema man o skills) na nakita’t
natutunan mula sa pananatili sa ibayong dagat nang sa gayo’y
maging maayos ang sistema sa loob ng Pilipinas.
Higit sa lahat, kinakailangang ang bawat pamilyang may OFW
na kaanak ay magtulungan upang hindi maging gatasan lamang
ang mga mahal sa buhay na nagsasakripisyo sa ibang bansa.
Kinakailangang maintindihan natin na hindi kailangang
habambuhay na umasa sa ibang bansa upang mabuhay ang mga
nasa Pilipinas. Tayo mismo ay dapat nang magkusa upang
ibangon ang ating sarili nang sa gayo’y madamay ang bansa sa
pag-angat natin.
|
|
|