Malapit
na ang Pasko pero marami sa ating mga kababayan
ang hindi pa rin madama ang espiritu ng Kapaskuhan
dahil sa hirap ng buhay. Patuloy ang pagtaas ng
presyo ng mga pangunahing bilihin, wala nang
katapusan ang pagtataas sa presyo ng produktong
petrolyo at patuloy ang pagbagsak ng halaga ng
ating salapi.
At habang naghihirap
ang maraming Pinoy, nakakabwisit lang malaman na
may mga opisyal ng gobyerno at ng military natin
na yumayaman dahil sa pagnanakaw sa kaban ng
bayan. Hanggang ngayon, wala pa ring nangyayari sa
kaso ni Major General Carlos Garcia na nabuking na
nagtatago ng milyun-milyong halaga ng salapi at
ari-arian.
Bukod dito,
nagdesisyon na rin ang Malacañang na payagan na
ang mga kongresista na mabigyan ng pork barrel sa
2005 national budget. Nangangahulugan na ang bawat
congressman ay muling makakatanggap ng 70 million
na pondo para sa kanilang mga proyekto.
Matatandaang tumanggi sila na magpabawas ng 40% sa
kanilang pork barrel kahit na nakararanas na ang
bansa ng fiscal crisis. At ngayong idineklara na
ng Pangulong Arroyo na nalampasan na ng bansa ang
fiscal crisis, muling binigyan ng "go signal" ang
mga ito na itago ang kanilang pork barrel.
Dito lang ay
kitang-kita na hawak sa leeg ng mga kongresista si
Pangulong Arroyo. Alam kasi ng Pangulo na kapag
hinarang niya ang pork barrel ay mahihirapan
siyang maipasa ang mga bill na isinusulong niya sa
Kongreso. "I scratch your back, you scratch mine,"
‘ika nga. Ganyan ang pulitika sa Pilipinas.
Nakakasuka.
Kagagaling ko lang sa
Amerika noong nakaraang buwan para magbakasyon at
mamasyal. Doon, ramdam na ramdam ko ang kahinaan
ng ating salapi dahil sa sobrang taas ng presyo ng
mga pagkain doon. Kung iko-compute mo ang halaga
ng isang tanghalian doon, ulam, kanin, at
softdrinks papatak ito sa P500.
Pero isa sa mga
pinagkagastusan ko doon ay ang mga CD at DVD dahil
mahilig talaga ako sa musika at pelikula. Pero
nagulat ako sa presyo ng mga ito. Ang halaga ng
isang CD doon ay nasa $18 pataas. Ang DVD na
original ay nasa $20 pataas. Minsan, may sale na
nagkakahalaga ng $10 – mahal pa din kung iko-convert
mo sa peso – P560 din yun. Samantalang ang isang
pirated na DVD ay nagkakahalaga lamang ng P90,
minsan makukuha pa ng P60. At kasing linaw din ng
orihinal ang pirated.
Kaya hindi rin natin
masisi ang ating mga kababayan na tumangkilik ng
mga pirated na DVD kahit na ito ay illegal dahil
sa napakalayong presyo ng mga orihinal. Kamakailan
ay nakausap ko si Optical Media Board Chairman Edu
Manzano tungkol sa kabiguan ng kanyang grupo na
masugpo nang ganap ang problemang ito. Ayon kay
Edu, malaki ang problemang kinakaharap nila dahil
may market na ng mga pirated DVD sa ating bansa –
karamihan ng mga Pinoy na mahilig sa pelikula ay
bumibili ng mga pirated DVD. Nangangamba rin si
Edu na kung magpapatuloy ang ganitong ugali ng mga
Pilipino, posibleng umaksyon na sa susunod na taon
ang Amerika dahil sa paglipana ng mga piratang
produkto rito. Isa raw sa binabalak gawin ng
Amerika ay ang pag-pull-out ng ilan sa kanilang
mga negosyo sa bansa bilang protesta laban sa
gobyerno. At kung mangyayari ito, marami na naman
sa ating mga kababayan ang mawawalan ng hanapbuhay.
Bukod sa mga DVD, naglipana ngayon sa bansa ang
mga pirated na pantalon, bag, damit, sapatos,
pagkain at iba pa.
Pero ang dapat
sisihin dito ay ang mga nagpapatupad ng batas.
Hindi naman magiging ganito kalala ang sitwasyon
kung hindi ito pinabayaan ng ating gobyerno. Sa
madaling salita – pinabayaan din ng gobyerno na
maglipana ang mga pirata sa bansa kung kaya
nasanay na ang mga Pilipino na tumangkilik ng mga
produkto nila. Hindi naman maglalakas loob na
bumili ng mga pirated ang ating mga kababayan kung
nakikita nilang hinuhuli ang tumatangkilik nito
‘di ba? Alam mo naman sa Pilipinas, hangga’t may
kumikita – marami ang nakikinabang kahit na
makasira na sa kinabukasan ng ating mga kababayan.
Mag-ingat po kayo sa
pagbisita sa Pilipinas ngayong mga panahon dahil
sa isang sakit ang kumakalat ngayon dito. Ito ay
ang Meningococcemia. Isang uri ng bacteria na
nanggaling sa strain ng meningitis na pangunahing
sintomas ay tulad lamang ng isang trangkaso -
pananakit ng katawan, pagtaas ng lagnat, pananakit
ng ulo at lalamunan at pagsusuka. Bukod diyan
makikita din sa maysakit ang mga rashes sa binti
na kulay pula at purple. Delikado ang sakit na ito
dahil sa loob ng 24 oras matapos na makaramdam ng
mga sintomas, maaaring mamatay ang pasyente. Sa
ngayon ay sinisikap na ng Department of Health na
ma-contain ang sakit dahil sa pagdami ng mga
naiulat na tinamaan ng sakit na ito sa Metro
Manila at sa Baguio City kung saan may mga naiulat
nang namatay.
Ayon sa mga doctor na
ating nakausap, ang sakit ay nakukuha sa direct
contact o sa secretions na galing sa may sakit
nito tulad ng sipon at laway. Mas nakakahawa ang
sakit sa mga kulob na lugar tulad ng mga
dormitoryo, restaurants at sinehan. Kayat
makabubuti na umiwas muna sa matataong lugar,
ilublob sa mainit na tubig ang mga kutsara,
tinidor at kutsilyo kapag kakain sa mga fastfood
restaurants at uminom ng mga bitamina. At sa
sandaling makaranas ng mga sintomas na nabanggit
mas mabuting kumunsulta na kaagad sa doktor.
Para sa inyong
suhestiyon o komento, mag-email sa
julius_babao@abs-pinoycentral.com.