Tomo 6
Numero 5
December 2004

 

Home About Us Site Map Contact Us Archives
  B U H A Y    O F W:   B A S T A   M A Y   S E N S E

   Ni Genivi Factao

Pasko, pera, at pag-iinvest sa stocks at prangkisa

Disyembre na naman. Ito ang buwang pinaka-aabangan ng lahat maliban sa ilang nais na iurong muna  ang Pasko at Bagong Taon. Bakit? Ang problema kasi, wala silang pera. Halos lahat naman pera talaga ang kailangan. Salamat na rin at matatapos na ang taon dahil ibig sabihin, nakakaraos din. Sana naman sa 2005 maging masagana ang buhay natin.

Kapag bagong taon, ang lagi nating naiisip ay kung ano naman kaya ang puwedeng mairaket, este, i-negosyo? Naalala ko nang una kong makausap si Bossing (Boss Mario Heriales)  nang matagal-tagal nitong nakaraang mga linggo. Naikuwento niya na sa kanyang mga trip abroad at pag-aaral sa mayayamang bansa na kabilang sa G-7, umunlad ang mga ito dahil sinimulan nila sa mga mamamayan ang paghubog na maging entrepreneurs. ’Sakto! Ang pinupunto ni Bossing sa naisip kong topic na may kinalaman sa reintegration program para sa OFW.

Kinikilala ng National Economic Development Authority ang malaking ambag ng mga OFW para maging maunlad ang Pilipinas. Ang Philippine Stock Exchange (PSE) ay naghahanda na rin para mahikayat ang mga OFW na mag-invest sa stock market. Ang ibig sabihin nito, puwede ka nang maging may-ari rin ng malalaking kumpanya gaya ng Jollibee, Filinvest, PLDT, Ayala Corp., etc. sa pamamagitan ng PSE.

Ang stocks na tinatawag ay ang bahagi ng pagmamay-ari sa korporasyon. Kapag tinawag na stockholder o shareholder, ikaw ay part-owner ng kumpanya. Ang securities ay ang pruweba ng pagmamay-ari sa kumpanya tulad halimbawa ng treasury bills at komersiyal na papeles. Kung gusto mong bumili ng shares sa stocks, kailangan may broker na gagawa nito para sa iyo. Ang stock broker ay isang tao o di kaya ay korporasyon na lisensyado ng Securities and Exchange Commission at PSE na magbenta ng securities.

Ang sumusunod ay isang halimbawa kung gusto mong maging stockholder ng kumpanya.

Bibili ka ng stocks na ang halaga sa merkado ay P10.00 at ang par value ay P1.00. Ayon sa board lot table, ang pinakamababang bilang ng shares na puwedeng bilhin sa regular na transaksyon ay 1,000 shares. Kailangan mo ng P10,000. Pero, may iba pang dapat bayaran gaya ng broker’s commission na (1.5 % + 10% VAT) P165;

transfer fee + 10% VAT o P110; at PCD at SCCP fees na P1.01. Ang kabuuang halaga na dapat ilabas ay P10,276.01.

***

Sa lahat ng investment, may risk na dapat kaharapin kaya  kailangang tutukan ang stock price at kaganapan sa kumpanya. Sabi ng mga Tsino na talaga namang subok na sa pagnenegosyo, pagkain pa rin ang pinakamainam na pagkakitaan. Ayon sa OWWA, ang prangkisa ang nangunguna sa mabilis na pagbalik ng kapital sa mga livelihood program nito, kumpara sa pagbababuyan, manukan, tindahan. Pero nasa sa iyo naman iyon, ‘ika nga. Noong nasa ilalim pa ng pamamahala ni Undersecretary Susan Ople ang programang pangkabuhayan ng OWWA, nilagdaan ang kasunduan sa pagitan ng ahensiya at Francon, isang franchising company. Ang Francon ay may opisina sa 21 F Unit 2110 Antel Global Corp. Ctr. Dona Julia Vargas Ave. cor. Meralco Ave. Ortigas Center Pasig City.

Kung gusto mo ng negosyo na squidballs, kikiam, fishballs, sago/gulaman atbp., pwedeng mag-franchise sa Oscar squid balls. Ang Odie Healthy Fruit shakes ay may flavors na melon, mango, apple, pineapple, avocado, calamansi, papaya at orange. Ang Nachos food station naman ay nagtitinda ng nacho chips na ang toppings ay keso, Jalapeno at beef.

Kung snow cone naman ang type mong business, kailangan mo lang ng P50,000 bilang franchise fee. Ang Oscars, Odie at Nachos naman ay P100,000 ang pagpapa-prangkisa. Kasama sa franchise fee ang pangalan, pagsalin ng teknolohiya, sistema sa pagnegosyo, marketing assistance, pre-opening, grand opening at post opening assistance, operations manual, recruitment at training. Kinakailangang may puwesto na 4-6 sq.m. Dalawang taon ang bisa ng prangkisa na puwede namang i-renew. May royalty fee  na 2% mula sa gross sales kada buwan. Ang payback period nito ay 4-5 buwan.

Kuwentado na rin ang projected income nito. Halimbawa ang araw-araw na kita ay P5,000 o P150,000  sa isang buwan. Gagastos ka ng P15,000 para sa dalawang tauhan; renta na P10,000; supplies na P75,000; utilities, P10,000; royalty na P3,000. Ang net cost ay P113,000 at ang netong kita  ay P37,000. Malaki rin di ba?

Ngayong meron na tayong puwedeng pagkakitaan, balik uli tayo sa dating problema... ang perang pang-kapital.

Kung may ipon ba naman na dolyar, no problem na tayo! Pero para sa  wala pa, eto po ang solusyon. Ayon kay  Rey Tayag, opisyal sa OWWA- Planning and Program Development Division, mayroong National Livelihood Support Fund ang OWWA. Maaaring makapag-loan ng hanggang P200,000 ang indibidwal at P1 milyon naman para sa grupo na binubuo ng hanggang lima katao. Siyempre, may screening na ginagawa para rito.

Ang mga OFW na tinuring na bayani na, ay lalong bayani pa dahil makabagong bayani ang tawag sa mga entrepreneurs. Sila ang mga taong hindi kuntento sa status quo at naghahanap ng iba pang paraan para kumita. Sabi ng isang kilalang entrepreneur na si Dado Banatao, "Dapat ikaw ang gagawa ng sariling sUwerte. Nagiging masUwerte ka kung ta-trabahuhin mo ito."

Hindi na pamilya lang ang responsibilidad ng mga OFW ngayon. Ang ekonomiya ng Pilipinas ay nakasalalay din sa inyo. Kung lahat ng OFW ay maging entrepreneurs, malay ninyo hindi na kailangang mawalay pa sa pamilya para lang magtrabaho, dahil sapat na ang kabuhayan nating lahat rito. Dahil sa entrepreneurs may trabaho nang mapapasukan rito.

Kung may mga katanungan, suhestiyon at anumang komento, maaari po kayong mag-email sa genivifactao@yahoo.com at ikalulugod kong malaman ang nasa isip ninyo.

 

Home | About Us | Site Map | Contact Us | Archives
MAIN : Philippine News | Asian News | Migranteng Pinoy | Editoryal / Opinyon | Community News | Commentary | Pinoy Sports
LIFESTYLE : Pusong Pinay | Lakbay Pinoy | On Focus | Horoscope | Lathalaang Ginto | Maikling Kuwento | Beauty | Buhay OFW | Lunti  
SHOWBIZ :
Silangan Entertainment | Q & A | Ricky's Diary | Showbiz ka ba | Star Files | Tell no Tales | Hollywood Spills | Gets N'yo
INTERACTIVE :
Guestbook | Silangan Forum | Shopping

Powered by: 
Silangan Shimbun Web Admin
 

Silangan Shimbun
© 2003 - All Rights Reserved.